PROUD TO BE PINOY!
Gustuhin ko mang tagalugin lahat ng salitang nakasulat dito… parang hindi yata pwede. Kung nakakaintindi nga lang sana lahat ng tagalog, ganun na nga lang sana, mas madali pa para sa akin. Napapagod na rin nman ako sa paghahanap ng tamang salita sa www.thesaurus.com. Isang pangungusap tatlong araw ko yata pinagiisipan… kapag tagalog, dalawang araw lang pwede na. Pero sa parteng to, di dapat palampasin. Tagalog kung tagalog. Bahala na si Batman kung di man maintindihan ng iba. Paano ko masasabing pinoy ako kung di ko man lang magawa yun kahit isang beses? Sa mga hindi nakakaintindi ng tagalog pasensya na, ganun talaga e (to those who can’t understand tagalog, sorry). Katulad nga ng sinasabi ko, Pinoy ako, Pinoy kami. Hindi mababago yun ng kahit na ano, kahit nasa ibang bansa man kami para magtrabaho, kahit paminsan minsan kumakain kami ng halos hilaw na karne sa isang resto na sakit lang naman ng tyan pagkatapos ang aabutin, Pinoy kami, hindi tulad ng iba dyan na magkaroon lang ng nakasabit na bag na puro initials ang pangalan pati dila bumabaluktot na sa pag-iingles. Kahit na anong pang kabalbalan na gawin ng mga politiko sa atin lalo na yung maliit na babae na ayaw kumain ng hotdog, Pinoy pa rin kami. O sige sige, may mga nakakahiyang nangyayari sa bansa natin. E ano ngayon, sa iba ba wala? Lahat naman may kanya kanyang baho, kanya kanyang sablay, di tayo iba sa kanila. Ano ka espesyal? Pinoy kami manalo man o matalo si Pacquiao.
Teka… pasensya na, nadala lang ako… ang gusto ko lang naman sabihin dito, kung sakali man na makikilala kami ng lagpas sa sampung tao (ngayon tatlo pa lang yata e) gusto ko malaman nila na Pinoy kami. Yun lang naman.
Pinoy kami. Proud to be kapamilya… este… kapuso… ay letseng network wars yan, kahit ano pa.















